Ang Huling Pitong Wika

April 16, 2017


Noong biyernes Santo, nagbahagi ang ilang mga pari at mga kapatid natin sa komunidad ng kanilang mga karanasan at pagninilay kaugnay ng huling pitong wika ng ating Panginoong Hesukristo sa Krus. Upang mas mapalalim pa ang ating meditasyon ngayong Semana Santa, narito ang ilan sa mga magagandang aral na mahihinuha natin mula sa kanilang mga pagbabahagi.


Unang Wika


Madalas tayong mabuhay ayon sa alam nating magpapaligaya sa atin. Kahit mali, ginagawa natin dahil pakiramdam natin dito tayo makahahanap ng kaganapan at kapayapaan. Alam natin na dito tayo sasaya, ngunit, bakit malungkot pa rin tayo sa kabila ng lahat? Bakit pakiramdam natin, wasak at walang saysay ang ating buhay?

At alam ng Diyos sa ating buhay ay ang mga ito: Mahal kita, iniibig kita, pinapatawad kita. Ito ay dahil hindi tayo nabubuhay ayon sa alam ng Diyos para sa atin. Iba ang alam Niya sa alam natin; at ang alam Niya ang mas makabubuti sa atin. Kahit walang kasiguraduhan, kahit na mabato ang daan, at kahit ilang ulit tayong madapa, doon lamang tayo liligaya kapag sinunod natin ang alam ng Diyos sa buhay natin.

"Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lucas 23:32-34)


Ikalawang Wika


"Fairy" o "genie" minsan ang tingin natin sa Diyos. Iniisip natin na nariyan lamang Siya upang tuparin ang ating mga kahilingan o lutasin ang ating mga problema. Kapag may problema o pagsubok tayong kinahaharap, nagiging tulad tayo ni Hestas, ang kriminal sa kaliwa. Kinukuwestiyon at hinahamon natin ang pag-ibig ng Diyos.

Sa kabila ng hirap at sakit, nakita ni San Dimas, ang kriminal sa kanan, ang Panginoon sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya. Noong sinabi niya kay Hesus na "Alalahinin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian," nagawa niyang nakawin ang Paraiso sa kahuli-hulihang sandali. Sa gitna ng krus, kumapit siya at nagtiwala. Sa gitna ng krus at ng pighati, maaaring makatikim ng Paraiso.

Para sa ating lahat ang tugon ni Hesus kay Dimas na "Dadalhin kita sa Paraiso." Kahit sa kamatayan, basta kasama natin si Kristo, nasa paraiso tayo. Ang krus lamang ang tangi at nag-iisang daan upang makapasok tayo sa paraisong ito. Wala nang iba. Wala.

Sa gitna ng sakit at kahirapan, tumingin lamang tayo sa krus, kay Hesus. Kapag kasama natin si Hesus, lahat ay kapayapaan, lahat ay kaligtasan.

"Sinasabi ko sa iyo: ngayon din ay isasama kita sa Paraiso" (Lucas 23:39-43)


Ikatlong Wika


Larawan ang ating Mahal na Birhen ng Lourdes, si Inang Maria, ng ating Inang Simbahan. Sumasalin ang pagkakatiwala ni Hesus sa Kaniyang pinakakamahal na Ina kay Juan ang pagkakatiwala Niya sa buong daigdig ng Kaniyang pinakamamahal na Simbahan. Bilang isang Ina, ginagabayan tayo ng Simbahan sa ating paglalakbay sa pananampalataya. Nariyan siya upang sabihin sa atin kung alin ang tama at mali. Nariyan siya bilang pamilya na handang tumanggap at kumalinga sa panahong pakiramdam nating hindi tayo nauunawaan ng mundo. Walang inang gustong nakikita na nahihirapan ang kaniyang anak.

Pinanghawakan ni Maria ang pagmamahal at katapatan sa kaniya ng Panginoon sa buong buhay niya sa harap ng krus. Hindi siya nawalan ng pag-asa at pananampalataya. Ganoon din ang Inang Simbahan. Sa kabila ng maraming mga pagsubok at pag-uusig na kinaharap niya mula noong dalawang libong taon na nakararaan hanggang sa kasalukuyan, nananatili pa rin siyang matatag at matibay. Nananatili pa rin siyang Ina na handang magmahal, tumanggap, at kumalinga sa ating lahat.

Ikatlong Wika. "Babae, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina!" (Juan 19:25-27).


Ikaapat na Wika


Sa panahon natin ngayon, kailangan natin maging "in" o "updated." Kung ano ang uso, kailangan mayroon din tayo. Kailangan natin maging "sikat" o "cool" upang maramdaman ang pagtanggap ng lipunan. Ngunit, ipinapakita sa atin ng Diyos na hindi ito sapat upang tayo ay tunay na lumigaya. Hindi pa rin naiibsan ang ating matinding uhaw. Hindi pa rin natin nararamdaman ang kaganapan sa ating buhay.

"Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" Hindi pagtalikod sa Ama ang kahulugan ng wikang ito ni Hesus. Noong sinabi niya ang mga salitang ito, Siya ay nakikiisa sa ating kahinaan at pagdurusa bilang mga tao. Kahit na Siya ang Diyos at Hari ng buong sansinukob, ng buong sanlikha, pinili pa rin Niya ang magkatawang-tao upang makiisa sa atin.

Huwag tayong mangamba at mawalan ng loob. Sa ating kahinaan, tayo ay malakas sapagkat nakikita natin ang tagumpay ng Panginoon. Sa ating pagkalugmok, tayo ay Kaniyang i-aahon. Sa Kaniyang pagmamahal, maipahahayag natin ang Kaniyang Salita. Huwag tayong mangamba. Kaisa natin Siya. Kasama natin Siya.

"Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" (Mateo 27:45-46)


Ikalimang Wika


Ang pinakamatinding uhaw sa lahat ay ang uhaw natin sa pag-ibig ng Diyos. Ang tanging makatutugon lamang sa uhaw na ito ay si Hesus, ang tubig na buhay. Sa Kaniyang pagmamahal lamang naiibsan ang uhaw ng lahat.

Ikalimang Wika "Nauuhaw ako!" (Juan 19:28)


Ika-anim na Wika


Noong sinabi ni Hesus na "Naganap na," hindi Niya tinutukoy ang kaniyang kamatayan o paghihirap; kung hindi, nagsimula pa lamang ang pagpasok at patuloy na pagpasok sa kalooban ng Diyos. "Naganap na." Noong sinabi ito ni Hesus, nangangahulugan itong tinupad Niya ang kalooban ng Diyos mula kapaganakan hanggang kamatayan. Ang pagsunod sa Ama ang naging kaganapan ("fulfillment") sa buhay ni Hesus.

May mga pagkakataon na napapaisip tayo. May saysay pa ba ang lahat ng mga paghihirap at pagsisikap natin sa buhay? Bakit na kahit lubos tayong magmahal at magbigay sa iba, wala pa rin tayong natatanggap pabalik? Bakit kailangan natin pagdaanan ang sakit at hirap sa buhay? Gusto na lamang natin tumakbo. Gusto na lamang natin tumakas.

Tingnan natin si Hesus. Tinanggap niya ang pagdurusa at paghihirap na para sa atin.Inalay niya ang sarili niyag buhay; ibinigay niya ang lahat para lamang sa atin. Ngunit, kahit kailan hindi siya tumakbo o tumakas palayo. Nanatili pa rin siya dahil mahil niya tayo. Ibalik man natin ang pagmamahal Niya o hindi, mahal Niya pa rin tayo at i-aalay pa rin Niya ang buhay Niya para sa atin.

"Naganap na!" (Juan 19:29-30)


Ikapitong Wika


Anoman ang mangyari, anoman ang kinabukasan natin, anoman ang pinagdadaanan natin ngayon, ipagdiwang natin ang pagmamahal ng Diyos. Isabuhay natin ang pagmamahal ng Diyos. Sa pagmamahal Niya nagiging sapat ang lahat.

Ang bawat araw ay isang paanyaya na ipaubaya ang ating buhay sa kamay ng pag-ibig ng Diyos. Ang pinakapanatag na lugar sa daigdig ay ang kawalan. Ang pinakamasarap na pakiramdam ay ang mawalan. Sapagkat dito lamang natin mararamdaman ang mainit na yakap ng pagmamahal at awa ng Panginoon. Kaya tayo nawawalan ay dahil bibigyan tayo ng mga biyayang mas magpapaligaya sa atin. Manalig lang at mawalan.

Sa lahat ng kabanata sa buhay natin, gumagalaw ang Diyos. Nagsasalita Siya sa pamamagitan ng ating mga buhay. Araw-araw ay isang pagsubok at digmaan na walang kasiguraduhan. Ngunit, kung kasama natin ang Diyos, ano pa ba ang puwedeng maging kulang? Ang pinakamalalim na ligaya ng pagiging isang Kristiyano ay ang malaman na minamahal tayong lubos ng Diyos, na inialay Niya ang buhay Niya para sa atin. Siya ang pag-ibig. Mahal Niya tayo. At minamahal Niya tayo magpakailanman.

"Ama, sa mga kamay mo'y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!" (Lucas 23:44-46)




Panulat ni: Edward Chico
Creative Art: Jule Ervin de Guzman

Back to Top